International travelers mag-check-in na 3 oras bago ang flight - BI
Dahil dagsa ang pasahero
MANILA, Philippines — Dahil sa inaasahang pagdagsa pa ng mga pasahero ngayong Undas, inabisuhan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga international travelers na mag-check-in sa mga paliparan may tatlong oras bago ang kanilang biyahe para makatiyak na makalilipad.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, hindi lamang nila ito rekomendasyon ngunit kinakailangang gawin para matiyak ang maayos na pagproseso at pagsunod sa immigration procedures.
“Dapat gawing prayoridad ng mga pasahero ang kumpletong check-in at agad na dumiretso sa immigration area,” paalala ni Tansingco.
Inaasahan kasi na lalo pang dadagsa ang mga pasahero dahil sa ‘long weekend’ dulot ng Undas.
Nagdagdag naman ng mga immigration officers ang BI para matulungan ang kanilang mga teams, habang makakatulong din ang mga mobile counters para sa pagproseso sa mga biyahero.
Samantala, bilang pagtugon sa Memorandum Circular No. 28 ng Malacañang, bukas at handang magserbisyo ang lahat ng BI frontline desk sa publiko mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3.
- Latest