Quezon City kinilala ng DILG sa paglaban nito sa human trafficking at VAWC
MANILA, Philippines — Binigyan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng perfect score ang Quezon City Government dahil sa pagsusumikap nitong labanan ang human trafficking at karahasan laban sa kababaihan at mga bata.
Sa isang liham na ipinaalam ni DILG-National Capital Region (DILG-NCR) Regional Director Maria Lourdes Agustin kay QC Mayor Joy Belmonte, nabatid na nakakuha ang Quezon City government ng overall score na 100 percent o ng adjectival rating na katumbas ng IDEAL, kasunod nang pag-audit na isinagawa ng kanilang Regional lnter-Agency Monitoring Team (RIMT) para sa Performance Year 2021.
Anang DILG-NCR, ang lokal na pamahalaan ay nakakuha ng perpektong grado batay sa mga sumusunod na pamantayan — Organisasyon (10 porsyento), Mga Pagpupulong (10 porsyento), Mga Patakaran, Plano at Badyet (40 porsyento), at Mga Nagawa (40 porsyento).
Kaugnay nito, pinuri rin ng DILG-NCR ang Quezon City Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and their Children sa paglahok sa 2022 Local Committees on Anti-Trafficking and Violence Against Women and their Children (LCAT-VAWC) functionality assessment.
“We hope that these assessment results and recommendations will serve as guides in determining the next steps and areas for improvement that must be taken into consideration in order for the Committee to level-up its performance,” dagdag pa niya.
Sa kanyang panig, pinasalamatan naman ni Belmonte ang DILG-NCR para sa nasabing komendasyon, at sinabing ang pamahalaang lungsod ay hindi magpapahinga sa kanilang tagumpay at patuloy na pagbubutihin ang mga plano at programa nito upang labanan ang human trafficking at karahasan laban sa kababaihan at mga bata.
“This recognition would fuel our drive to further improve our programs, projects and policies on violence against women and children and anti-trafficking,” aniya.
Hinikayat din ni Belmonte ang QCitizens na huwag magdalawang-isip sa pag-uulat ng mga pang-aabuso laban sa kababaihan at mga bata sa pamamagitan ng QC Protection Center na may Hotline 122, o sa barangay at sa women’s desk ng Quezon City Police District (QCPD).
Bilang karagdagan, inatasan din ng Alkalde ang QCPD, QC Protection Center, at Gender and Development office na mahigpit na subaybayan at kaagad na umaksiyon sa mga tawag at ulat na may kinalaman sa VAWC at iba pang mga insidenteng nakabatay sa kasarian.
- Latest