Libu-libo dumagsa pa rin sa Manila North at South cemetery
MANILA, Philippines — Sa kabila ng masama pa ring panahon dahil sa pagpasok ng panibagong bagyo, dumagsa pa rin ang libu-libong bisita sa Manila North at South cemeteries sa Maynila kahapon.
Sa Manila South Cemetery, umabot sa 204,500 ang tinatayang naging bisita nito dakong alas-5 ng hapon.
Sinabi ni Manila Police District (MPD) Director P/BGen Andre Dizon na naging maayos naman ang daloy ng tao kahit na tanging ang main entrance ng MNC ang kanilang binuksan.
Naging mahigpit sa pagpapasok ang mga bantay nang 63 indibidwal na karamihan ay mga bata ang hindi papasukin.
Kahapon, alas-5 ng umaga nang muling buksan ang gate ng MNC at muling isasara sana ng alas-5 rin ng hapon ngunit nagbigay ng ekstensyon ng 30 minuto.
Humingi ng pang-unawa si Dizon sa mga naapektuhan ng limitasyon sa oras na itinakda ng lokal na pamahalaan ng Maynila at ipinatutupad ng pulisya.
Nasa 500 pulis ang ikinalat nila sa iba’t ibang istratehikong lugar na mahigpit na nagbantay sa mga pasaway tulad ng mga nag-iingay, naninigarilyo at nagsusugal.
Hindi naabot ang inaasahang bilang ng bibisita na isang milyon.
Sinabi naman ni Sta. Cruz Police Station commander, P/LtCol Ramon Solas na may epekto ang naturang oras sa mas maliit na bilang ng tao kumpara noong pre-pandemic dahil sa naiiwasan na ang mga nagpapagabi.
Dagdag na factor din ang bagyong Paeng at ang bagyong Queenie.
- Latest