OWP, dinakma habang kumukuha ng police clearance
MANILA, Philippines — Isang lalaking itinuturing na Other Wanted Person (OWP) ang nadakip ng mga awtoridad habang kumukuha ng police clearance sa Manila Police District (MPD) sa Ermita, Manila kahapon ng umaga matapos na matuklasang may kinakaharap itong kaso sa hukuman.
Ang suspek ay kinilala lang na si alyas ‘Jonald,’ 39, residente ng Tondo, Manila at wanted sa kasong paglabag sa City Ordinance 671, sa Mandaluyong City.
Batay sa ulat ng MPD, nabatid na dakong alas-11:55 ng tanghali nang maaresto ang suspek sa loob ng Crime Research and Analysis Section ng MPD headquarters sa UN Avenue, sa Ermita.
Nauna rito, nagtungo umano ang suspek sa MPD upang kumuha sana ng police clearance.
Gayunman, nabuking ng mga pulis na may nakabinbing itong warrant of arrest mula sa Mandaluyong City MTC Branch 97, sanhi upang siya ay kaagad na arestuhin.
Nagtakda naman si Hon. Judge Dolly Rose Bolante-Prado ng P2,000 na piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek.
- Latest