Libreng sakay at antigen testing ng MRT-3, tapos na
MANILA, Philippines — Nagtapos na kahapon (Hunyo 30) ang ipinagkakaloob na libreng sakay at libreng antigen testing ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Ayon sa MRT-3, libre pa ring nakasakay ang kanilang mga commuters sa kanilang tren mula alas-4:40 ng madaling araw hanggang alas-10:10 ng gabi kahapon, ngunit simula ngayong Hulyo 1, 2022, Biyernes, ay kinakailangan na nilang muling magbayad kung nais nilang gamitin ang serbisyo ng mga tren.
Matatandaang Marso 28, 2022, nang simulang ipatupad ng MRT-3 ang libreng sakay sa MRT-3, sa kautusan na rin nina dating Pang. Rodrigo Duterte at dating Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade.
Bilang pagdiriwang ito nang pagtatapos ng malawakang rehabilitasyon ng linya at sa layuning matulungan ang mga pasahero sa gitna ng mataas na presyo ng gasolina at mga bilihin.
Ayon sa MRT-3, noong Hunyo 10, 2022 ay umabot sa 381,814 ang mga pasaherong kanilang napagsilbihan, na siyang pinakamaraming bilang ng mga commuters na sumakay ng linya mula nang magbalik-operasyon ito noong Hunyo 2020.
Sa pagtatapos ng libreng sakay, umaasa ang pamunuan ng MRT-3 na nakapagdulot ito ng kahit bahagyang ginhawa sa mga pasahero at mas marami pa ang naengganyo na gamitin ang mas maayos, mas komportable, at mas pinabuting serbisyo ng rail line.
Samantala, umarangkada na rin nitong Huwebes ang huling araw ng pamamahagi ng pamunuan ng MRT-3 ng libreng antigen testing para sa mga boluntaryong pasahero nito.
- Latest