HDO vs ‘Poblacion Girl’ isasampa ng CIDG
MANILA, Philippines — Makaraang isampa ang kasong pagbalag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act sa Makati Prosecutors Office, inihahanda naman ng PNP-Criminal Detection and Investigation Group (CIDG) ang paghahain ng hold departure order (HDO) laban sa tinaguriang ‘Poblacion Girl’ na si Gwyneth Ann Chua.
Si Chua na isang balikbayan mula Amerika ay tumakas sa kanyang mandatory quarantine at dumalo sa isang party sa Makati.
Ayon sa CIDG, ang kanilang paghahain ng HDO ay sa katiyakang dadalo sa pagdinig si Chua.
Bukod kay Chua, kasama ring kinasuhan ang mga magulang at boyfriend nito at limang staff ng Berjaya Hotel sa Makati.
Kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang CIDG sa mga nakasalamuha ni Chua sa party.
Inutos din ni CIDG Director Police Major General Albert Ferro ang pagsasampa ng supplemental complaint laban kay Chua.
Samantala, ibinunyag naman ni Carlos Laurel, pinsan ng aktres na si Denise Laurel na hindi imbitado si ‘Poblacion girl,’ sa pinuntahang party Aniya ang alam nila ay para lamang sa pamilya at magpipinsan ang dinner dahil sa tagal na hindi pagkikita.
“Gwyneth is the girlfriend of a friend of my younger cousins who passed by at the end of dinner, Gwyneth was not invited to dinner by me or my relatives,” ayon sa pahayag ni Laurel.
Ayon kay Laurel, nalaman nilang positibo si Chua sa COVID-19 apat na araw mula nang lumabas ang resulta nito noong Disyembre 27 ngunit lingid sa kaalaman nito na tumakas ito sa mandatory quarantine.
Aminado si Laurel na natakot sila nang malamang nagpositibo si Chua sa COVID-19 kaya agad din silang nagpa-test at lumitaw na ilan sa kanyang pinsan at kapatid ang nagpositibo rin.
- Latest