SMC, may toll holiday nitong Pasko at Bagong Taon
MANILA, Philippines — May pamaskong handog rin ang San Miguel Corporation (SMC) sa mga motorista.
Nabatid na nagpatupad ang SMC ng toll holiday sa lahat ng expressways na kanilang pinangangasiwaan nitong Pasko at maging sa Bagong Taon.
Nangangahulugan ito na hindi kailangang magbayad ng toll fee ng mga motorista kung daraan sila sa Southern Luzon Expressway (SLEX), Skyway, NAIA Expressway (NAIAX), Southern Tagalog Arterial Road (STAR toll), at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX).
Sinimulan ang toll holiday mula alas-10:00 ng gabi ng bisperas ng Pasko, Disyembre 24, 2021 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Christmas Day, Disyembre 25, 2021.
Muli naman itong ipatutupad mula alas-10:00 ng gabi ng Disyembre 31, 2021 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Enero 1, 2022.
Ang pag-waive ng toll fee sa mga tollways tuwing holiday ay naging taunang tradisyon na ng SMC.
Dahil dito, nabibigyan ng libreng access ang mga motorista sa mga toll roads ng SMC kapag holiday.
- Latest