1 pang kidnaper ng Atenista, nasakote
MANILA, Philippines — Hawak na rin ng Philippine National Police Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isa pang suspek sa pagdukot sa Ateneo student na si Ellijah James Yap noong Disyembre, 2020.
Ayon kay Maj. Rannie Lumactod, Spokesperson ng AKG, nasa kustodiya na nila si Lawrence Limbo, alyas Renren, ng San Pascual, Obando, Bulacan.
Naaresto si Limbo sa follow-up operation ng PNP AKG nang makitang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan.
Nabatid na si Limbo ay nagsilbing bantay sa safehouse kung saan itinago si Yap ng ilang araw sa Bustos, Bulacan.
Inamin ni Limbo ang kanyang partisipasyon sa krimen at sinabing P50,000 lamang ang napunta sa kaniya mula sa P1.5 milyong ransom na nakuha ng grupo.
Kinasuhan na rin ng kidnapping for ransom and serious illegal detention sa DOJ.
Tiwala si Lumactod na anumang araw ay maaaresto na din ang lima pang mga suspek. Una nang nadakip ang mag-asawang John Paulo Gonzales at Ma. Rachel Erica Gonzales.
Matapos palayain ang biktima noong Jan. 5, 2021 sa Ermita, Manila ay agad na nagsagawa ng Backtracking Investigation ang mga tauhan ng AKG at natunton ang safehouse kung saan siya dinala.
- Latest