Social distancing patrol, ikakalat
Armado ng yantok, gagamiting panukat at ‘pampukpok’
MANILA, Philippines — Nagbabala kahapon si Joint Task Force COVID-19 Shield chief Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag na gagamit na ng yantok ang Philippine National Police sa mga matitigas ang ulo na ayaw sumunod sa mga health protocols katulad ng social distancing.
Ayon kay Binag, ikakalat na nila ang mga pulis na tinaguriang ‘social distancing patrol’ sa iba’t ibang matataong lugar para manita ng mga lumalabag sa protocol.
Nabatid na ang mga tagapagpatupad ng batas na armado ng yantok ay ipapakalat sa mga lugar kung saan madalas nagkukumpulan ang mga tao katulad ng palengke, malls, simbahan, ports, seaports, at pampublikong sasakyan.
Sinabi pa ni Binag na ang paggamit ng yantok ay base sa kautusan ni Philippine National Police (PNP) chief General Debold Sinas.
Magsisilbing panukat ang yantok na may habang isang metro at maaari ring ipamalo ng social distancing patrol sa matitigas ang ulo.
“Meron pa kaming tinawag na social distancing patrol, ito ‘yung pinag-utos ng ating chief PNP si General Sinas… May hawak na yantok ‘yan, isang me-tro ‘yan, pang-saway tapos panukat. Pamalo na rin doon sa matitigas ang ulo,” ani Binag.
Idinagdag pa ni Binag na nakikipagtulu-ngan na rin ang PNP sa mga local government units (LGUs) para sa mas maayos na pag-papatupad ng quarantine protocols.
Nakipag-usap na rin ang JTF COVID Shield sa Simbahang Katoliko at pulisya kaugnay sa pagdaraos ng Simbang Gabi.
Hinikayat ng PNP ng mga pari na magdaos ng mas maraming misa sa madaling araw upang hindi magsiksikan at masunod ang social distancing.
- Latest