Panibagong cyber libel, isinampa vs Maria Ressa
MANILA, Philippines — Muling sinampahan ng kasong cyber libel ang mamamahayag at Rappler chief-executive-officer Maria Ressa dahil sa pagpo-post niya sa kaniyang Twitter account ng isang artikulo ng isang pahayagan ukol sa isang negosyante na sangkot umano sa krimen.
Isinampa ng Makati City Prosecutor’s Office sa Makati City Regional Trial Court ang kasong cyber libel buhat sa reklamo ng negosyanteng si Wilfredo Keng.
Ito ay mula sa Twitter post ni Ressa noong Pebrero 16, 2019 na nag-share siya ng isang news article na lumabas noon pang 2002 kung saan nakasaad ang akusasyon ng pagkakasangkot ng negosyante sa pagkamatay ng isang konsehal ng Maynila.
Nilagyan ni Ressa ng komento ang naturang artikulo ng, “Here’s the 2002 article on the ‘private businessman’ who filed the cyberlibel case, which was thrown out by the NBI then revived by the DOH.@HoldTheLine”.
Nagsumite naman agad ang kampo ni Ressa ng “motion to quash” sa katwiran na hindi maaaring makasuhan ang isang netizen na nag-share lamang ng artikulo at wala namang malisyoso sa aktuwal na komento.
Una nang nasentensyahan si Ressa at isa niyang researcher ng hanggang anim na taong pagkakulong sa naunang cyberlibel case na isinampa rin ni Keng makaraan ang paglathala nitong 2019 ng isang artikulo na lumabas noong 2012 ukol sa umano’y pagkakasangkot ng negosyante sa mga iligal na gawain.
- Latest