Obrero na binirong may COVID-19, umakyat sa poste ng kuryente, nasagip
MANILA, Philippines — Matapos ang apat na oras na pakikipagnegosasyon ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, ligtas na nasagip ng mga awtoridad ang isang construction worker na umakyat sa poste ng kuryente sa Brgy. Hulo, Mandaluyong City kamakalawa ng hapon, matapos na unang umalis mula sa kanilang barracks nang biruin ng kaniyang mga kasamahan na positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nasa maayos nang lagay sa ngayon at nakauwi na sa kanilang tahanan si Glen Baguisan, 23, construction worker, residente ng Baseco, Tondo, Manila, matapos na masagip ng mga awtoridad dakong alas-4:30 ng hapon kamakalawa habang nakaakyat sa isang poste ng kuryente sa Coronado St., Brgy. Hulo.
Sa ulat ng Mandaluyong City Police, nabatid na bago ang insidente ay nakita ang biktima na lumalangoy sa ilog Pasig mula sa Makati City patungo sa Coronado St., sa Brgy. Hulo dakong alas-11:45 ng umaga.
Nang makaahon sa pampang ay kaagad itong umakyat sa isang bahay sa lugar at saka lumipat sa katabi nitong poste ng Meralco, upang takasan umano ang isang lalaking humahabol sa kanya.
Ikinaalarma naman ng mga residente at nagdulot ng panik sa lugar ang ginawa ng biktima, kaya’t kaagad itong inireport sa mga pulis.
Mabilis na rumesponde ang mga awtoridad upang sagipin ang biktima.
Personal pang tumungo sa lugar si Abalos at matapos ang apat na oras na negosasyon ay ligtas na napababa ang biktima mula sa inakyatang poste.
Kaagad ding ipinakustodiya ang biktima sa kanyang tiyuhin na si Freddie Andulong, matapos na matiyak ng mga awtoridad na walang anumang tinamong pinsala sa kanyang katawan at nasa maayos na ang kalusugan nito.
Batay naman sa impormasyong nakalap ng mga imbestigador na sina PCMS Salani Radjail at PCMS Joemer Puzon, mula kay Marlyn Ramos, employer ng biktima, nabatid na may tatlong araw na ang nakalilipas ay umalis ang biktima ng kanilang barracks, na matatagpuan sa Siquia St., Sta. Ana, Manila, matapos umanong biruin ng kanyang mga kasamahan sa trabaho na mayroong COVID-19, at buhat noon ay hindi na ito bumalik pa.
- Latest