Drug ops: 6 tiklo, P.7 milyon droga nasamsam
MANILA, Philippines — Anim na drug suspects ang inaresto ng mga awtoridad sa ikinasang round-the-clock anti-drug operations sa magkakahiwalay na lugar sa Quezon City, na nagresulta rin sa pagkakakumpiska ng tinatayang mahigit P700,000 halaga ng shabu, nabatid kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen Ronnie Montejo ang dalawa sa mga naarestong suspek na sina Nora Disomimba, alyas “Madam”, 40, at Audie Sadia, alyas “Jun-Jun”, 28, kapwa residente ng Caloocan City.
Batay sa ulat ng Novaliches Police Station (PS 4), dakong alas-2:20 ng hapon nang magkasa ng buy-bust operation ang mga awtoridad sa Dumalay St., malapit sa Susano Complex, Brgy. Sta. Monica, Novaliches.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t nagkasa ng buy-bust operation
Nang makabili ang poseur buyer ng P35,000 halaga ng shabu mula sa mga suspek ay kaagad inaresto ang mga ito.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang nasa 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000, dalawang cellular phones, weighing scale, at buy-bust money mula sa kanila.
Samantala, naaresto naman ng Talipapa Police Station (PS 3) sa isa ring buy-bust operation ang tatlo pang suspek na sina Arman Pombayna, 37, Ken Manuel, 26, at Leomar Insigni, 23, pawang residente ng Brgy. Holy Spirit at kabilang sa Barangay Anti-Drug Advisory Council (BADAC) watch list, dakong alas-8:50 ng gabi sa Luzon Avenue, Brgy. Pasong Tamo.
Nakumpiskahan sila ng walong sachets ng shabu na may estimated value na P34,000, cellular phone, at buy-bust money.
Sa isang buy-bust din naman nalambat ng Eastwood Police Station (PS 12) si Elmer Lui, 29, ng Marikina City, dakong alas-3:30 ng madaling araw, sa Calle Industria St. kanto ng Economia St., Brgy. Bagumbayan at nakumpiskahan ng tatlong sachet ng shabu at buy-bust money.
- Latest