Clarin mayor na inireklamong nambugbog ng masahista binaril sa Cebu, patay
MANILA, Philippines — Patay sa pamamaril ang isang alkaldeng akusado ng pananakit ng masahista sa Cebu, Biyernes ng hapon.
Papunta na sana sa Cebu City Prosecutor's Office si Misamis Occidental Mayor David Navarro nang biglang tambangan, ayon sa ulat ng The Freeman.
Binaril si Navarro sa M. Velez Street bandang alas-dos y media ng hapon. Sinasabing isang pulis ang nasaktan din sa krimen.
Ayon kay Police Master Sergeant Carlo Balasoto, isa sa mga police escort, nasa 10 hindi pa nakikilalang salarin ang nasa likod ng pamamaril.
Isa sa kanila ang dumampot kay Navarro sa sinasakyang van bago siya paputukan.
Nakatakda sana siyang sumailalim sa inquest para sa diumano'y paglabag sa slight physical injuries at acts of lasciviousness.
Nauna nang inireklamo si Navarro na nanuntok at nanuhod ng lalaking masahista matapos diumanong mapagbuntungan ng galit dahil walang bakanteng babaeng masahista noon.
Inaakusahan din siiya ng isang babaeng masahista dahil sa pag-uutos na gumawa ng kalaswaan.
Hiniling ng alkalde na mailagay sana sa hospital arrest matapos daw tumaas ang kanyang presyon ngunit hindi pinaunlakan.
Isa si Navarro sa mga pulitikong tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 na may kaugnayan daw sa kalakalan ng droga, sabi ng Philippine News Agency. — James Relativo
- Latest