EDSA, C-5 tinaguriang ‘deadliest road’ sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Mariing pinag-iingat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motoristang bumabagtas sa EDSA at C-5 Road dahil itinuturing na itong ‘deadliest road’ sa Kalakhang Maynila dahil sa maraming aksidenteng nagaganap dito.
Ayon kay MMDA traffic czar Bong Nebrija, mas marami aniyang aksidente ang nagaganap sa nabanggit na mga kalsada lalu na sa gabi at madaling araw.
Base sa tala ng MMDA, nabatid na noong 2018, nasa 72 ang fatal accident ang naganap sa C-5 Road; 21 sa EDSA;17 sa Roxas Boulevard; 11 sa McArthur Highway at samantalang sa Commonwealth Avenue ay 10 ang naitalang fatal accident.
Itinuturing ang Commonwealth Avenue “killer highway” at sa ngayon ay nasa pang 5 na lamang ito bilang ‘deadliest road’ sa Metro Manila.
Ilan sa mga sanhi ng aksidente, ay dahil sa over speeding ng mga driver, na kadalasan ay nakainom at hindi nakontrol ang preno.
Ayon sa MMDA ay self- induce ang mga aksidenteng naitala nila nitong 2018.
Sa kasalukuyan ay ipinatutupad ng MMDA ang 60kph driving policy at speed para maiwasan ang aksidente.
Kung kaya’t nag-order na aniya ang ahensiya ng mga speed guns para ma-detect aniya ang bilis ng mga sasakyang dumadaan sa C-5 Road at EDSA.
Inamin naman ni Nebrija, na hindi nila mababantayan ng 24-oras ang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila dahil hanggang alas-10:00 lamang ng gabi ang duty ng kanilang mga traffic enforcer.
Panawagan ni Nebrija sa mga motorista, na pairalin aniya ang disiplina sa mga kalye upang maiwasan ang aksidente na kadalasan ay nauuwi pa sa trahedya.
Samantala, matinding trapik ang nararanasan ng mga motoristang bumabagtas sa Marcos Highway matapos isara nitong Sabado (Mayo 25) ang Marcos Bridge bunsod nang isasagawang rehabilitasyon dito, na aabutin ng apat hanggang limang buwan.
- Latest