Kahit umulan, ‘di pa sapat para mapuno ang mga dam
MANILA, Philippines — Bagam’t nagkaroon ng mga pag-ulan nitong nagdaang mga araw, hindi pa rin ito sapat upang mapunan muli ang Angat Dam at La Mesa Dam na pinagkukunan ng suplay ng tubig para sa mga taga -Metro Manila at karatig lalawigan.
Ayon kay Jeric Sevilla, Group Head - Corporate Strategic Affairs ng Manila Water, posible pa rin umanong lumala ang sitwasyon sa suplay ng tubig.
Anya, kailangan ng sunud- sunod na pag -ulan sa bahagi ng naturang mga dam bago mapunan ang kailangang tubig dito.
“Ikinatutuwa namin ang pag-ulan sa Metro Manila nitong mga nagdaang araw, pero hindi pa rin kami maaaring magpaka-kampante dahil hindi pa sapat ang pag-ulang ito upang maibalik ang La Mesa Dam sa normal na water level nito na mula 78 hanggang 79 meters. “pahayag ni sevilla.
Sinabi nito na ang malakas na buhos ng ulan noong Miyerkules ng gabi ay nakapagdagdag lamang ng 10 centimeters sa water level, na ngayon ay nasa 68.55 meters, na mas mababa pa rin sa critical level na 69 meters.
Bukod dito, sinabi ni Sevilla na dahil nasa mas mababa pa sa critical level ang tubig sa La Mesa dam, natuyot ang ilang bahagi nito at maaaring maging putik kapag nabasang muli ng ulan, na siya namang makaaapekto sa kulay ng tubig.
“Kailangan naming paghandaan ito dahil maaari pang magtagal bago manumbalik sa normal ang ‘turbidity’ o pagkakaiba ng kulay ng tubig,” paliwanag pa ni Sevilla.
- Latest