P.7-M pekeng yosi nasabat
MANILA, Philippines — Nasabat ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 1 ang nasa 14,500 packs ng pekeng sigarilyo na tinatayang nasa P725,000 ang halaga na ipinapakalat sa mga tindahan at pamilihan sa Tondo, Maynila.
Kabilang sa nasamsam ng mga tauhan ni Lt. Colonel Reynaldo Magdaluyo ang mga pekeng brand ng Marvels, Jackpot at Mighty cigarettes na sakay sa isang L300 van na nakaparada sa Capulong St., Tondo alas-10:30 ng gabi nitong Marso 26 (Martes).
Itinuro ng impormante ang nasabing van at matapos ang inspeksyon ay tumambad ang 29 na malalaking kahon na naglalaman ng nasabing sigarilyo.
Nang beripikahin, kinumpirma ng kinatawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na peke din ang nakalagay na BIR stamps sa mga ito.
Dinakip naman ang driver na si Julito Octing at ang pahinanteng si Anthony Pano.
Pormal na naghain naman ng reklamo ang mga kinatawan ng lehitimong kumpanya ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation at Japan Tobacco International na apektado sa ginawang pamemeke ng kanilang produkto na paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines (in relation to) Unfair Competition and Trademark Infringement.
Modus umano ng sindikato ang magdala sa kanilang kargamento ng iba pang uri ng produkto upang pagtakpan ang mga isinusuplay na mga pekeng sigarilyo.
Naniniwala ang mga awtoridad na marami pang galamay at mga sasakyang gamit ang sindikato na kanilang inaalam kung saan ang bodega.
Bukod sa malaking bayad sa buwis ang nawawala sa gobyerno, mas delikadong gamitin ang counterfeit na sigarilyo dahil hindi nakatitiyak ang consumer sa kung anong sangkap nito.
- Latest