Higit 1,000 vendors sa Baclaran, ililipat
MANILA, Philippines — Nakatakda nang ilipat ng Pamahalaang Lungsod ng Parañaque ang higit sa isang libong vendors na nasa paligid ng Baclaran Church sa itinatag na ‘temporary staging area’ sa bakanteng lupa sa may Roxas Boulevard.
Sinabi kahapon ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na maisasagawa na ang paglilipat sa mga vendors makaraang makapagpagawa na ng halos 824 tiangge stalls sa isang ektar-yang lupain na pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan.
May sukat ang bawat stall ng 1.5 X 2 meters na hindi pauupahan ng Pamahalaang Lungsod hanggang hindi pa natatapos ang apat na palapag na People’s Market buil-ding sa tapat ng LRT 1 Station.
Hinikayat ng alkalde ang mga vendors na samantalahin ang alok na ito dahil sa walang babayaran umano kahit isang kusing sa city hall o sa barangay hall ang mga sinuman na boluntaryong lilipat sa ‘staging area’.
Tinataya namang mata-tapos sa kalagitnaan ng taong ito ang People’s Market na maniningil naman ng mababang P3,500 kada buwan sa mga puwestong iparerenta sa mga vendors.
Mag-uumpisa muli ng masigasig na panghuhuli ang MMDA sa mga vendors na hindi lilipat sa staging area sa darating na Miyerkules.
- Latest