Supplier ng shabu na mula sa Bilibid, arestado
MANILA, Philippines - Isa umanong supplier ng shabu na nagmumula sa New Bilibid Prison (NBP) ang nadakip ng operatiba ng Southern Police District (SPD) sa isang buy-bust operation, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Sa report na natanggap ni SPD director, Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., kinilala ang nadakip na suspect na si Wilfredo Santos, 51, sinasabing kaanak ng “high profile inmate” sa Bilibid na si Ricardo Camata.
Lumalabas sa imbestigasyon, alas-8:00 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang operatiba ng SPD sa Brgy. Ususan, Taguig City.
Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng shabu kay Wilfredo, na nagkakahalaga ng P1,000.
Matapos magkaabutan ng droga at pera, dito na dinakip ng mga pulis si Wilfredo at nakumpiska rito ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng shabu, na nagkakahalaga ng P302,000.
Bukod sa naturang droga, nakumpiska rin sa suspect ang isang NBP visitors pass na nakapangalan sa misis nito na si Janet Santos, pinsan ni Camata, mga bank deposit slips, na may kabuung halagang P1 milyon.
Ayon sa pulisya, may hinala sila na ang shabu na sinu-supply ni Santos sa area ng Taguig City ay posibleng nagmumula sa NBP.
Iimbestigahan ng SPD ang mga pangalan na nasa listahang nakuha mula sa suspect.
- Latest