3 pa tinodas sa Caloocan
MANILA, Philippines - Tatlo katao kabilang ang isang babae ang mga panibagong biktima ng pamama-ril ng mga hindi nakikilalang salarin sa magkakahiwalay na insidente sa lungsod ng Caloocan, kamakalawa.
Nakilala ang mga napaslang na sina Roberto Serrano, 43, barangay tanod sa Brgy. 18; Roma Joy Dela Cruz, 21, ng Carnation Street, Brgy. 174; at isang lalaki na nakilala lamang sa pangalang Lloyd Tobias.
Sa ulat, dakong alas-10:20 kamakalawa ng gabi nag-iinuman sina Serrano at ilang kaibigan sa may Libis Espina Street malapit sa headquarters ng Northern Police District (NPD) nang dumating ang tatlong lalaki na nakasuot ng face masks. Isa ang unang bumaril kay Serrano sa batok habang isa pa ang sumunod na binaril rin ang biktima sa dibdib bago tumakas lulan ng dalawang motorsiklo.
Isinugod naman sa Caloocan City Medical Center dahil sa tama ng ligaw na bala ang mga kapitbahay ni Serrano na sina Mercedita Lopez, 60; at Angelo Dy, 32.
Inamin naman ng mga kasamahan sa barangay na dati umanong nakasama ang pangalan ni Serrano sa drug watch list ng pulisya at sangkot rin ito dati sa iligal na koneksyon ng kuryente sa kanilang lugar. Hindi naman umano ito gumagamit o nagbebenta ng iligal na droga ngunit nakasama sa listahan dahil sa may nagsumbong sa “Itext mo si Bato” na nagagalit sa kanya.
Dakong alas-10 naman ng gabi nang mapaslang si Dela Cruz sa loob ng kanyang bahay sa Carnation Street cor. Waling-Waling, Brgy. 174. Nagpapahinga na ang biktima at kanyang pamilya nang puwersahang pumasok ang dalawang lalaki at pagbabarilin ito saka mabilis na tumakas.
Nauna dito, ala-1 naman ng hapon nang pagbabarilin rin ng dalawang lalaki na nakasuot ng maskara si Tobias habang naglalakad sa may Maharlika Street, La Loma Brgy. 178 Camarin, ng naturang lungsod.
- Latest