Sugalan na drug den pa, ni-raid: 11 arestado
MANILA, Philippines - Labing-isa katao ang nadakip ng mga tauhan ng Valenzuela City Police sa magkakahiwalay na anti-drug operations kabilang ang pito na nasakote sa loob ng isang iligal na pasugalan na sinasabayan nang paghithit ng shabu ang pagsusugal, nitong nakaraang Linggo at Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ng Valenzuela Police Station Anti-Illegal Drugs unit, dakong alas-4 kahapon ng madaling araw nang salakayin nila ang isang iligal na pasugalan sa may A. Santos Street, Brgy. Malinta, dahil sa ulat na talamak din ang pot session sa loob.
Dito naabutan ang pitong suspek na nagsusugal ngunit sinasabayan din ng paghithit ng shabu. Nakilala ang mga nadakip na sina Ricky Morada, 35, may-ari ng pasugalan at drug den; Jay-Ar Cayab, 31; Aldwin Mercado, 36; Rodolfo Llando, 28; Jhommil Benitez, 24; Marcko Renzal, 24; at Joven Andales, 31. Narekober sa mga suspek ang isang plastic sachet na may bakas pa ng puting kemikal, drug paraphernalia, at mga baraha.
Ala-1:30 ng madaling araw naman ng madakip ng mga tauhan ng Intelligence Branch sa isang buy-bust operation sa 114 I. Marcelo Street, Lingahan Brgy. Malanday ang hair technician na si Veberlyn Balisnomo, 40. Nakuha sa kanyang posesyon ang dalawang plastic sachet ng shabu.
Naaresto naman dakong alas-12:45 kamakalawa ng hapon ang 38-anyos na si Reynaldo Pastor nang bentahan niya ng tatlong plastic sachet ng shabu ang isang pulis sa may G. Molina Street, Brgy. Canumay East.
Nauna rito, dakong alas-3:30 Linggo ng madaling araw nang maaresto ng mga tauhan ng Police Community Precinct 10 sa kanilang pagpapatrulya sa kanto ng Sto. Rosario at C.F. Natividad Sts., Brgy. Mapulang Lupa sina John Paul Matero, 20; at Louie Petalvo, 22.
Nagkakaroon umano ng transaksyon sa iligal na droga sa madilim na bahagi ng kalsada ang tatlong lalaki na nagkanya-kanyang takbo nang mailawan ng mga pulis. Nakumpiska kina Matero at Petalvo ang dalawang plastic sachet ng shabu habang nakatakas ang isa nilang kasamahan.
- Latest