Piskal sa QC, patay sa ambush
MANILA, Philippines – Patay ang isang piskal ng Quezon City matapos na tambangan ng hindi pa nakikilalang mga suspek na sakay ng isang kotse habang ang una ay nagla-lakad patungo sa kanyang nakaparadang sasakyan sa Commonwealth Avenue sa lungsod kahapon ng mada-ling araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District-Ciminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nakilala ang biktima na si Johanne Noel Mingoa, 46, assistant City prosecutor sa lungsod at residente ng Mapagkumbaba St., Brgy. Sikatuna Village, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jerome Dollente, may-hawak ng kaso, ang mga suspek ay sakay ng isang kotse na walang plaka na mabilis na tumakas makaraang isagawa ang krimen.
Nangyari ang insidente sa harap ng isang tindahan ng lechon na matatagpuan sa Commonwealth Avenue, Brgy. Old Balara, QC, dakong ala-1:20 ng madaling araw.
Naglalakad umano ang biktima na may kausap sa cellphone patungo sa kanyang nakaparadang Mitsubishi Montero na malapit sa kanila.
Ilang sandali, isang kotse ang biglang sumulpot at huminto ilang metro ang layo mula sa biktima at bumaba ang pasahero nito, pagka-tapos ay nagbunot ng baril at pinagbabaril ang huli hanggang sa masawi.
Matapos ang pamamaril ay sumakay ang gunman sa kotse at sumibat patakas patungo sa direksyon ng Fairview.
Base sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene, narekober ang 14 na piraso ng basyo ng bala ng kalibre .45, at isang tingga, habang sa cursory examination naman ay lumabas na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ang biktima.
Samantala, agad namang ipinag-utos ni QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar sa CIDU ang masusing imbestigahan sa insidente.
Pinababatid din nito kung may nakakabit na CCTV sa lugar at maging ang cell-phone ng biktima ay pinasusuri na rin sa CIDU upang makakuha ng posibleng impormasyon na maaaring maging giya sa pagtukoy sa salarin. Tinitignan din ng pulisya kung may kinalaman sa kanyang trabaho ang motibo ng nasabing pamamaril.
Samantala inutos din ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na imbestigahan ng NBI ang pagpatay sa kay Mingoa na dating nagtrabaho sa kanya noong private lawyer pa ito.
Mariin namang kinondena ni Aguirre ang pagpaslang sa prosecutor na inilarawan niyang “very competent litigator.”
Si Mingoa ay isa umano sa mga associate lawyers ni Aguirre. Dagdag ulat ni Doris Franche- Borja
- Latest