Ex-Bb. Pilipinas candidate, timbog sa buy-bust
MANILA, Philippines – Dinakip ng mga tauhan ng Manila Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)ang isang dating Binibining Pilipinas candidate at isang babaeng suspected big-time drug pusher, na nagmamantine ng isang drug den, sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Sampaloc, Manila kamakalawa.
Kinilala ni CIDG chief, Police Chief Insp. Wilfredo Sy, ang mga naaresto na sina Marife Garlit, dating Bb. Pilipinas candidate noong 1992, na nanalo bilang Miss Photogenic, 46, dalaga at residente ng J.P. Laurel St., San Miguel, Manila, at Ma. Lovella Rival, 43, dalaga, residente ng Lardizabal Extension, Sampaloc, Manila, at sinasabing pangatlo umano sa listahan ng mga drug suspects na tinutugis ng Manila CIDG.
Ayon kay Sy, dakong alas-2:30 ng hapon kamakalawa nang madakip ang mga suspek sa buy-bust operation na isinagawa sa M. Dela Fuente St., sa Sampaloc, ng pinagsanib na pwersa ng Manila CIDG, Manila Police District (MPD)-District Special Operations Unit (DSOU) at District Police Intelligence and Operations Unit (DPIOU).
Sinabi ni Sy na si Rival ang siyang target ng operasyon dahil sa pagmamantine ng drug den. Matagal na rin umano nila itong minu-monitor ngunit hindi agad naaresto dahil mailap at palipat-lipat ng lugar.
Nadamay namang maaresto si Garlit nang maaktuhang bumabatak ng ilegal na droga sa drug den ni Rival.
Nakumpiska ng mga pulis mula kay Rival ang tatlong plastic sachet ng shabu at P500 marked money, habang nakuha naman mula kay Garlit ang isang aluminum foil na may shabu residue, improvised tooter, lighter with improvised burner, at dalawang pirasong plastic sachets ng shabu na nakabukas na.
“Nagme-maintain si Lovella ng drug den, P10, pwede mo nang gamitin doon. May karatula siya dun. Medyo tago (ang lugar) dahil nasa may alley siya ng Dela Fuente. Pero sa ganyang mga lugar, mabilis namang magsisialis yan pag may bagong mukha. Shanty type siya,” ani Sy.
Nabatid na isang buwan na nilang minomonitor ang mga suspek kaya’t nang magkaroon ng magandang information ang confidential agent ay doon nagpanggap na bibili ng shabu ang poseur buyer.
Ang mga suspek ay kapwa nahaharap na sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Manila Prosecutors Office ngunit bailable umano ang kaso ni Garlit dahil gumagamit lamang ito ng illegal na droga, habang non-bailable naman si Rival, na siyang nagtutulak ng shabu.
- Latest