Ina ng baby na itinapon sa basura, natunton na
Kakasuhan ng frustrated infanticide
MANILA, Philippines - Hawak na ngayon ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang ina ng sanggol na itinapon sa basurahan na kilala nga-yon sa tawag na “Baby Jade’’ makaraan ang masusing imbestigasyon ng pulisya.
Sinabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatcha-lian na nakaditine sa isang kuwarto ng Valenzuela City Emergency Hospital sa Brgy. Dalandanan habang nilalapatan din ng medikal na atensyon ang ina ng bata nang madiskubreng sumasailalim sa matinding depresyon at nilalapatan ngayon ng “neuropsychia-tric tests and counselling.”
Matatandaan na si Baby Jade ay natagpuan nitong Agosto 25 sa isang basurahan sa Jade Garden Townhomes sa Brgy. Marulas at nasa maselang kundisyon ngayon sa Caloocan City Medical Center.
Nabatid na nagbuo ng Task Force Baby Jade ang Valenzuela City Police makaraang ipag-utos ni Mayor Gatchalian na tutukan ang kaso. Agad namang nagsagawa ng masusing imbestigasyon sa lugar na kinatagpuan ng sanggol ang Task Force hanggang sa matukoy ang ina nang ituro ng mga residente.
Nakatakda namang sampahan ngayon ng kasong ‘frustrated infanticide’ sa piskalya ang ina na itinago sa alyas na “Mother Jade’’ habang iniimbestigahan ng pulisya ang anggulo na may iba pang taong sangkot sa krimen.
Nabatid naman sa mga manggagamot ng VCMC na unti-unti nang bumubuti ang kondisyon ni “Baby Jade’’ at inirekomenda na mailipat sa mas malaking pagamutan tulad ng Philippine Children’s Medical Center.
Nangako naman si Gatchalian na itutuloy nila ang pagtustos sa pagpapagamot sa sanggol kahit na mailipat na ito ng pagamutan.
- Latest