Ginang dedo sa hit and run
MANILA, Philippines – Agad na nasawi ang isang ginang nang tumilapon sa inaangkasang motorsiklo na nabundol ng isang tricycle sa kahabaan ng MacArthur Highway sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Nasawi dahil sa tinamong pinsala sa ulo at katawan ang 58-anyos na si Marietta Sanchez, residente ng Alba Compound, Brgy. Gen. T. De Leon, ng naturang lungsod. Isinugod naman sa pagamutan ang isa pang biktima na si Amor Pantaleon, 43.
Sa ulat, angkas ng isang Suzuki motorsiklo (2803 CH) si Sanchez na minamaneho ni Pantaleon dakong ala-1:30 ng madaling araw sa MacArthur Highway patungong Bulacan habang kasunod ang tricycle na may plakang 3022 RZ.
Nabundol buhat sa likuran ng naturang tricycle ang motorsiklo ng mga biktima sanhi upang sumemplang at tumilapon ang dalawang sakay nito. Sa halip sa saklolohan, tumakas ang hindi pa nakikilalang tsuper ng tricycle at iniwan ang kanyang mga biktima.
Naisugod naman sa pagamutan si Pantaleon habang agad na nasawi si Sanchez na ang mga labi ay dinala sa Phillip Sabino Funeral Homes.
Patuloy ngayon ang berepikasyon ng pulisya sa Land Transportation Office (LTO) upang mabatid kung kanino nakarehistro ang nakabundol na sasakyan, makilala ang tsuper at mapanagot sa batas.
Samantala, isa pa ring rider ang nasawi nang salpukin ito ng isang kotse kahapon ng umaga sa Makati City.
Dead on the spot ang biktimang si Rogelio Furuya, na nagtamo ito ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Nasa custody naman ng Makati City Police Traffic Management Bureau ang suspek na si Jose Carlo Sia, ng Fort Bonifacio, Taguig City.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Jodiel Llanza, naganap ang insidente alas-5:45 ng madaling araw sa may kahabaan ng Makati Avenue, Barangay Bel-Air ng naturang lungsod.
Nabatid, na minamaneho ni Furuya ang kanyang motorsiklo at habang binabagtas nito ang naturang lugar ay hindi nito namalayan ang paparating na kulay pulang Honda Jazz (AAX-8963) na minamaneho ni Sia.
Huli na bago nakontrol ng suspek na si Sia ang preno ng kanyang sasakyan at nasalpok na nito si Furuya dahilan upang tumilapon ito ng ilang metro na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Samantalang si Sia naman ay nadakip ng mga pulis at sinampahan ito ng kasong reckless imprudence resulting to homicide at damage to property sa Makati City Prosecutor’s Office.
- Latest