Kawatan na riding-in-tandem aktibo sa Quezon City
MANILA, Philippines - Muling sumalakay ang riding-in tandem na kawatan sa magkahiwalay na insidente na naganap sa lungsod Quezon.
Sa isang insidente, isang ginang ang tinutukan ng baril sa dibdib ng riding-in-tandem sa West Riverside St., SFDM, sa lungsod.
Napag-alamang galing sa isang convenient store ang biktima na nakilalang si Geoel Marie Quico, 33, at kanyang hipag ganap na alas-10:06 ng gabi ng biglang hinarang ng tandem na suspect sa may F. Bautista St., San Pedro St., Brgy. Damayan at pilit na kinuha ang dala niyang cellphone at wallet.
Tinangka naman ng biktima na manlaban at makatakbo pero hinabol at nakorner na ng mga suspect sa isang kanto at doon na tinutukan ng baril.
Dito na kinuha ng mga kawatan ang kanyang gamit at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas.
Samantala, sa halos ganito ring pangyayari ang naganap ilang minuto lamang ang nakalipas ng isang ginang din ang tinutukan ng baril sa ulo sa Brgy. Ramon Magsaysay, Cotabato St., Bago Bantay ng naturang lungsod ng sinasabing kahawig ding riding in tandem na suspects.
Ang pangalawang biktima ay nakilalang si Jennifer Charisma H. Pallasigue, 32.
Base sa pahayag ng ginang habang sila’y nasa sasakyan ay napansin nilang may kasalubong silang naka-motor at agad naman nila itong pinalampas bago sila nag-park. Subalit paglabas ng sasakyan ay mismong sa kalye at harap ng isang karinderya bumaba ang isa sa mga suspect na lumapit sa biktima kung saan tinutukan ito at pilit na kinuha ang dalang bag.
Iisa ang diskripsyon ng mga suspect sa dalawang insidente.
Nangako naman ang Station Commander na si P/Supt. Christian Ventura Dela Cruz ng manhunt operation laban sa mga suspect at pagpapalawak pa sa ‘Oplan-Sita’.
- Latest