Bigtime na ‘tulak’, timbog sa 1 kilo ng shabu
MANILA, Philippines – Himas rehas ngayon ang isang kilabot na drug pusher matapos na makuhanan ng isang kilo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Mandaluyong City, iniulat kahapon.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac Jr., ang suspect na si Jeffrey Cenon, 30, na residente ng Makati City.
Ayon kay Cacdac, nadakip ang suspect ng mga operatiba ng PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) sa pangunguna ni Director Erwin Ogario, sa isinasagawang operasyon sa kahabaan ng E. Pantaleon Street, Mandaluyong City, ganap na alas- 8:30 ng gabi.
Bago ito, nakipagtransaksyon ang tropa ni Ogario sa suspect kaugnay sa pagbili nila ng milyong halaga ng shabu at nagkasundo na magkita sa nasabing lugar.
Sa tagpuan ay sakay ng kanyang Mitsubishi Pajero (XPH-801) ay sinalubong ang suspect ng isang poseur buyer ng PDEA at nang magpalitan ng items ay saka ito dinamba ng ilang naka-antabay na operatiba.
Nasamsam sa suspect ang isang plastic bag na naglalaman ng isang kilo ng sha-bu na tinatayang may street value na P2,000,000, gayundin ang kanyang Pajero.
Inihahanda na ang kaso laban sa suspect.
- Latest