Philippine Coconut Authority nasunog: 2 bumbero sugatan
MANILA, Philippines – Dalawang bumbero ang nasugatan habang inaapula ang nasusunog na bahagi ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa lungsod ng Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, ang mga nasugatan ay kinilalang sina FO1 Vincent de Veyra at fire aide na si Elanardo Obrieneda na nagtamo ng sugat sa kani-kanilang mga kamay matapos talsikan ng salaming nabasag mula sa nasunog na gusali.
Nagsimula ang insidente sa ikalawang palapag ng Philippine Coconut Authority na matatagpuan sa Elliptical Road, corner Commonwealth Avenue, Brgy. Vasra, Diliman, Quezon City, alas-2:28 ng madaling-araw.
Ang walong palapag na gusali ay mga tanggapan ng pamahalaan, kung saan nagsimula ang sunog sa may opisina ng Island Fisheries Aqua Culture ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na pinamumunuan ni Director Asis Perez na nasa ikalawang palapag nito.
Ayon sa guwardiya ng nasabing gusali, bigla na lamang itong nakakita ng usok sa pangalawang palapag ng building hanggang sa tuluyan na itong umapoy.
Sabi ni Fernandez, mabilis na kumalat ang apoy at upang hindi na madamay ang ibang tanggapan ay agad na itinaas sa ikatlong alarma ang sunog.
Samantala, idineklarang fire out ang sunog dakong alas-4:12 ng madaling-araw, kung saan nakitang nagtamo ng sugat ang mga nasabing bumbero.
Hinihinalang electrical short circuit ang ugat ng nasabing sunog dahil matanda na ang gusali, habang nasa P200,000 halaga ng ari-arian ang napinsala sa nasabing insidente.
- Latest