4 na palapag na bahay, gumuho dahil sa kalumaan
MANILA, Philippines - Isang apat na palapag na bahay na may naninirahang 40 pamilya ang gumuho dahil sa kalumaan sa may NIA Road, Brgy. Pinyahan, lungsod Quezon, kahapon.
Ayon sa barangay tanod na si Renato Lusong, alas-8 ng umaga nang simulang palabasin ng kanilang barangay kagawad na si Jonathan Burse ang mga naninirahan sa nasabing bahay matapos na matuklasan ang mga bitak sa semento at unti-unting pagguho nito.
Sabi ni Lusong, bago ito, aksidenteng natuklasan anya ng kanilang mga kasamahan ang mga nasabing senyales nang pagguho matapos na rumesponde sa lugar, dahilan para ipatawag si Kagawad Burse at magsagawa ng inspeksyon.
Matapos na palabasin ang mga residente, agad na kinordon ang paligid ng gusali at makalipas ang alas-12:30 ng tanghali ay parang naupos na kandilang gumuho ito.
Dagdag ni Lusong, ang apat na palapag na nasabing bahay ay matagal nang panahong nakatayo sa lugar kung saan natukoy ang may-ari nito sa alyas na “Batang”. Gawa lamang ito sa kahoy at may kakaunting pundasyong semento, pero dahil sa kalumaan ay hindi na rin nakayanan at bumigay.
Wala namang iniulat na nasaktan sa nasabing pagguho.
- Latest