Chinese national, tiklo sa 5 kilo ng shabu
MANILA, Philippines - Isa na namang Chinese national ang naaresto ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na makuhanan ng aabot sa limang kilo ng shabu sa isang buy-bust operation sa lungsod, kahapon.
Kinilala ni QCPD director Senior Supt. Joel Pagdilao ang suspect na si Jiacheng Shi, alyas Joseph Sy at Boy Intsik, 33, tubong Fujian, China at naninirahan sa Escolta St., Binondo, Manila.
Ayon kay Pagdilao, ang shabu na nakuha sa suspect ay nasa kabuuang halagang P20 milyon at ang mga ito ay nakabalot ng tipak-tipak sa lalagyan ng kape.
Naaresto ang suspect ng tropa ni Senior Insp. Robert Razon,hepe ng District Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (DAID-SOTG) sa isinagawang buy-bust operation sa kahabaan ng Masaya St., malapit sa panulukan ng Maginhawa St., Brgy. Capitol Site, ganap na alas-7:20 ng umaga.
Dito ay nakipag-transaksyon ang tropa ni Razon sa suspect na bibili ng isang kilo ng shabu at nagkasundo na magkita sa naturang lugar.
Isang poseur-buyer ng DAID ang ginamit para makipagpalitan ng items sa suspect kung saan naganap ang pag-aresto.
Ayon pa kay Pagdilao, isang kilo lang ang target nila sa buy-bust nang madiskubre nilang may apat pang kilo ng ilegal na droga na nakatago sa itim na sasakyang Mazda (POA-949) ng suspect.
Nakapiit ngayon ang suspect sa DAID-SOTG sa Camp Karingal at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa section 5 at 11 (possesion of prohibited/dangerous drugs) sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang comprehensive dangerous drugs act of 2002.
- Latest