Tambay sa piso net sinumpak
MANILA, Philippines - Patay ang isang di pa kilalang lalaki na tambay sa ‘piso net’ nang malapitang barilin ng sumpak sa ulo habang nagte-text, sa Baseco Compound, Port Area, Manila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Jojo”, nasa edad 35 hanggang 40, may taas na 5”5 -5”8, katamtaman ang pangangatawan at kayumanggi.
Wala umanong nakakakilala sa tunay na pangalan ng biktima at kung saan ito nakatira dahil malimit lamang dumayo sa piso net o computer shop.
Hindi pa rin tukoy ang gunman na responsable sa pamamaril bagamat may teorya ang pulisya na hindi pagnanakaw ng cell phone ang motibo na nakitang tinangay sa kaniya kundi, posibleng pinaghinalaan itong police informer dahil talamak ang iligal na droga sa lugar.
Nakunan ng closed-circuit television ang pangyayari kung saan makikitang binaril ang biktima at mabilis na tumakas tangay ang cell phone na ginagamit ng huli sa pakikipag-text.
Sa ulat ni PO3 Michael Maragun ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:40 ng madaling-araw nang maganap ang nasabing pamamaril sa loob ng piso net na matatagpuan sa no. 909 Row 2, Commercial Habitat, Baseco Compound, Port Area.
Kitang-kita sa CCTV footage na nagte-text ang biktima sa loob ng piso net nang sumulpot ang suspek na nakasuot ng gray na jacket, green na shortpants, puti ang bonnet, nakahawak ng sumpak na tinatayang nasa edad na 30 hanggang 35. Tinangkang sunggaban ng suspek ang cell phone ng biktima pero nanlaban ang huli kaya siya binaril sa ulo.
Papaalis na ang suspek nang balikan kaagad ang nalaglag na cell phone mula sa biktima at bago tuluyang lumisan.
Inilagak na sa St. Rich Funeral ang bangkay.
- Latest