Mga preso sa Caloocan City jail mistulang sardinas
MANILA, Philippines - Inamin kahapon ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang labis na siksikan sa kanilang city jail na umaabot na sa 923 porsyento ang “congestion”.
Sa ulat ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Caloocan City chief, Atty. Paulino Moreno, Jr. sa lokal na Peace and Order Council, sinabi nito na kasalukuyang may 1,227 na bilanggo ang laman ng Caloocan City Jail na kaya lamang maglaman ng 257 inmates.
Sa kanilang tantiya, napakalalang 923% ang congestion sa naturang bilangguan na maaaring dahilan ng madalas na pagkakasakit ng mga bilanggo.
Dahil dito, nangako si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na sosolusyunan ang malalang problema na kinakaharap ng mga bilanggo.
Agad nitong inatasan ang City Planning Department at City Engineer’s Office para humanap ng bakanteng lote sa lungsod na pag-aari ng lokal na pamahalaan para posibleng pagtayuan ng bagong city jail.
Inatasan naman ng alkalde si Moreno upang makipagkoordinasyon sa Department of the Interior and Local Government at Department of Justice para sa posibilidad na panggalingan ng pondo para sa panukalang city jail.
Sa kabila umano ng matinding siksikan, patuloy naman ang mga programa ng pamahalaan para sa mga bilanggo partikular ang City Labor and Industrial Relations Office (LIRO).
Kabilang dito ang pagbibigay ng high school at vocational education katuwang ang Department of Education; pagsasanay sa “massage therapy, welding, at iba pang pangkabuhayan upang may makuhang maayos na trabaho sa paglaya.
- Latest