Shabu sa bra, dalaw kalaboso
MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang 28-anyos na babae matapos na mahulihan ng shabu na inilagay sa loob ng kanyang bra habang dadalaw sa kanyang kaibigan sa Manila Police District-Integrated Jail, kamakalawa ng hapon. Batay sa report ni PO3 Thelma Samodio, ng MPD-Women and Children’s Protection section, dakong alas-5:15 ng hapon nang arestuhin si Ma. Lavina Torres, ng Pandacan, Manila. Dadalawin ni Torres ang kanyang kaibigan na si SPO1 Lovely Bacani na isang dating pulis MPD. Si Bacani ay nakapiit makaraang maaresto ng MPD-Anti Carnapping Unit nang nasangkot sa carnapping at droga. Bago papasukin ay kinapkapan muna si Torres kung saan nakuha dito ang isang plastic sachet ng shabu sa loob ng kanyang bra. Sa imbestigasyon, ininguso ni Torres si Bacani na siyang nag-utos na bumili siya ng shabu. Lumilitaw naman na ang dadalawin ni Torres na si Bacani ay nakalaya na noon pang Sabado makaraang makapagpiyansa. Kasong paglabag sa R.A. 9165 section 11 ang isasampang kaso laban kay Torres.
- Latest