Sundalo itinumba ng tandem
MANILA, Philippines - Isang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang natagpuang patay na may tama ng bala sa kanyang ulo sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang biktima na si Sgt. Rhoderick Antipatia, 51, na nakatalaga sa 525 Infantry Batallion PN Adventure Zone, Fort Bonifacio, Taguig City, base sa kanyang driver’s license.
Ayon kay PO3 Rhic Roldan Pittong, may-hawak ng kaso, ang biktima ay natagpuan na lang duguang nakahandusay sa may kahabaan ng Commonwealth Avenue, corner Dupax St., Brgy. Old Balara, ganap na alas 9:30 ng gabi. Diumano, nakatanggap na ng tawag ang awtoridad ukol sa nangyaring pamamaril sa nasabing lugar. Agad na nirespondehan ng otoridad ang lugar kung saan naabutan na lang nila ang biktima na duguang nakahandusay at wala ng buhay.
Ayon naman sa Police Station 6, base sa inisyal na pagsisiyasat ng kanilang tanggapan, naglalakad umano ang biktima sa lugar nang biglang su mulpot ang isang motorsiklo sakay ang dalawang suspek saka binaril ang biktima sa ulo. Matapos ang pamamaril ay agad na sumibat ang mga suspek sa lugar at iniwan ang nasabing biktima.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala sa kanyang kanang mata na ikinamatay nito. Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.
- Latest