3 sugatan sa aksidente sa lansangan
MANILA, Philippines - Dalawang kawani ng Department of Agriculture (DA) at isang lalaki ang sugatan sa salpukan ng kanilang mga sasakyan sa kahabaan ng Quezon Avenue, lungsod Quezon, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Quezon City Police District Traffic Sector 6, nakilala ang mga biktima na sina Efren Batio, 43, driver; at kasama nitong si Judy Zabala, 54; pawang mga kawani ng DA; at Joel Delos Reyes, 43, ng Coloong St., Valenzuela City.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Quezon Avenue malapit sa flyover sa Edsa, ganap na ala-1:30 ng madaling-araw.
Ayon sa pagsisiyasat ni PO1 Oscar Sese, minamaneho ni Delos Reyes ang kanyang Mitsubishi Wagon at tinatahak ang northbound lane ng Quezon Avenue galing sa direksyon ng Kamuning Timog, patungong Balintawak nang biglang umiwas umano ito sa isang truck.
Sa pag-iwas ni Delos Reyes, humampas umano ito sa poste ng MRT saka nagpa-ikot-ikot, hanggang sa mabundol ang kasunod na Toyota Prado ng mga biktima.
Dahil sa impact, tumihaya ang Mitsubishi wagon dahilan para maipit si Delos Reyes at magtamo ng sugat sa kanyang katawan, gayundin ang dalawa pang biktima. Agad namang tinulungan ng mga rumispondeng rescue team ang mga biktima at isinugod sa malapit na ospital.
- Latest