5 sasakyan nagkarambola:1 patay, 2 sugatan
MANILA, Philippines - Isang motorista ang patay habang dalawa pa ang sugatan nang magkarambola ang limang sasakyan sa may Commonwealth Avenue sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon kay PO2 Alfredo Moises ng Quezon City Police Traffic Sector 5, nakilala ang nasawi base sa nakuhang identification card na si Alfonso Mallari, 73, at residente sa Mount Rainer St., Filinvest 1, Batasan Hills.
Habang nakilala naman ang isa sa mga sugatan na si Rodelio Cabutaje, ang driver ng taxi at isang hindi pa nakikiÂlalang babaeng pasahero nito.
Kabilang sa mga nasangkot na sasakyan ang Honda Civic, Toyota Innova, Isuzu D Max, Mitsubishi Adventure at taxi.
Nangyari ang insidente sa may westbound lane ng Commonwealth Avenue, malapit sa harap ng Sandiganbayan, ganap na alas-5:30 ng umaga habang mabilis na tinatahak ni Mallari sakay ng kanyang Honda Civic ang lugar, galing ng QC circle patungong Fairview nang pagsapit sa harap ng Sandiganbayan ay biglang mawalan ito ng kontrol sa manibela at rumampa sa center island bago tumawid sa kabilang linya.
Sa pagtawid ng Honda sa kabilang linya ay tinamaan nito ang Isuzu D-max pick up (CPA-375), hanggang sa isunod ang Toyota Innova (UNQ-569), bago tuluyang umikot at mahagip ang Adventure (PIC-840).
Dala ng bilis ng impact, nagtuloy-tuloy ang Honda kung saan nahinto lamang ito nang tuluyang humampas sa isang taxi ni Cabutaje.
Hindi pa nagtapos ang banggaan sa tatlong sasakyan dahil tinumbok pa nito ang nakasalubong na OIF taxi (UVK-531).
Sa dami ng tinumbok ng Honda, tuluyan nang nawalan ng malay sa loob nito si Mallari hanggang sa makalipas ang ilang minuto ay nahugot din ito mula sa pagkaka-ipit ng mga rescue team at itakbo sa East Avenue Medical Center pero hindi na rin umabot pa ng buhay.
- Latest