Isabela mayor, itinumba sa QC
MANILA, Philippines - Patay ang alkalde ng Maconacon, Isabela habang sugatan din ang kanyang driver matapos pagbabarilin sa parking lot ng isang apartelle sa kanto ng Examiner at Quezon Avenue sa lungsod kamakalawa ng gabi.
Agad na nasawi sa lugar na pinangyarihan ng krimen si Mayor Erlinda Domingo, 51, ng Brgy. Fely Maconacon, Isabela sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo. Sugatan naman ang driver nitong si Bernard Plasos, 35, at residente rin sa naturang probinsya.
Ayon kay Quezon City Police District director Chief Supt. Richard Albano, agad namang naaresto ang tatlo sa mga sinasabing suspect na kinilalang sina Christian Pajenado, 38; Michael Domingo, 38; pawang residente sa Brgy. Commonwealth; Mary Grace Malones-AbÂduÂhadi, 25 ng Brgy. CuÂliatÂ, na pinaniÂniwaÂlaang miyemÂbro ng gun-for-hire.
Tatlo pa sa mga kasamahan ng mga ito na nakilalang sina Marsibal Abduhadi, alyas Bagwis; isang alyas Khalid, at isang Ryan Santiago ay paÂtuloy na pinaghahanap.
Narekober kay Pajenado ang isang kalibre .45 baril habang kay Domingo naman ay ang isang Honda XRM (OF3065); habang kay Mary Grace ay isang bag na nagÂlalaman ng kalibre 25 baril, bala ng kalibre .45, dalawang magazine ng kalibre .45 na puno ng bala, isang kahon ng bala ng 9mm at isang plastic sachet na naglalaman ng marijuana at improvised glass tooter. Ang naturang motorsiklo ang sinasabing ginamit na get-away vehicle ng triggerman na si Marsibal Abduhadi, asawa ni Mary Grace.
Sa pagsisiyasat nina PO2 Julius Balbuena at PO2 Anthony Tejerero, nangyari ang pamamaslang sa alkalde sa harap ng Park Villa Apartelle sa 61 Examiner St., malapit sa panulukan ng Quezon Avenue, Brgy. West Triangle sa lungsod.
Sinasabing sa naturang apartelle madalas na mag-check-in ang Mayora kapag ito ay nasa Maynila. Nang nabanggit na oras, kadarating lamang umano ng mga biktima sa lugar sakay ng isang Mitsubishi Adventure (SJA-893) at habang ibiÂnababa ang kanilang bagahe ay biglang sumulpot ang mga suspect sakay ng dalawang motorsiklo.
Mula rito ay biglang bumaba ang isa sa mga suspect sa motorsiklo at pinutukan sa likurang bahagi ng ulo ang mayora na agad na ikinasawi nito. Nang makita ito ni Plasos ay tinangka nitong habulin ang mga suspect pero maging siya ay pinaputukan ng mga huli at tinamaan sa kanang hita.
Kahit sugatan, nagawang makabalik sa apartelle ni Plasos saka tumawag ng tulong sa Police Station 2. Agad ding nagsagawa ng follow-up opeÂration ang tropa ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD kung saan naitimbre ng mga concerned citizen ang suspect na si Pajenado na naroon pa malapit sa lugar at agad na naaresto.
Sa interogasyon, itinuga ni Pajenado ang kanyang mga kasamahan kung kaya muling nagsagawa ng operasyon ang mga tropa at naaresto si Domingo sa may East RiÂverÂside, Brgy. Commonwealth; habang si Mary Grace naman ay Salaam Compound sa Brgy. Culiat.
Sa ginawang pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations (SOCO) sa crime scene, narekober sa lugar ang dalawang basyo ng kalibre 380 at isang slug ng bala.
May kaugnayan sa politika ang hinihinala ng awtoridad na motibo ng nasabing pamamaslang dahil nakatakdang tumakbo ang mayora para sa kanyang ikatlong termino sa darating na halalan.
Gayunman, sabi ni Albano iimbestigahan pa nila ang naturang isyu.
Si Domingo na dating Vice mayor ng Maconacon ay naluklok bilang Mayor maÂtapos pagbabarilin at maÂpatay si dating Mayor Francisco Talosig ng hindi pa natuÂtukoy na mga suspek sa Tuguegarao City, Cagayan noong May 20, 2009.
Muling tatakbo si Domingo sa darating na halalan at ang sinasabing mahigpit nitong katunggali sa Mayoralty election ay si Walter Abdul VillaÂnueva, isang Muslim convert na nakalaban na rin ng biktima noong 2010 elections.( DagÂdag na ulat nina Raymund Catindig at Victor Martin)
- Latest