Bagitong pulis, 1 pa timbog sa kotong
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isang entrapment operation ang isang bagitong pulis at kasabwat nito sa pangongotong sa isang Korean national na biktima ng bukas kotse sa Malate, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nakadetine ngayon sa MPD-General Assignment Section (GAS) ang suspect na si PO1 Fredielin Alayon, 30, nakatalaga sa NCRPO Regional Public Safety Batallion at residente ng Caloocan City at ang kasama nitong si Dennis Rojo, 40, ng Pandacan, Maynila matapos na ireklamo ng Korean trader na si Jae Hwan Ko, 56, ng Multi-national Village, Parañaque City.
Sa report ng MPD-GAS, nangyari ang insidente kamakalawa ng gabi sa Plaza Rajah Soliman, Malate, kung saan nabiktima ng bukas kotse ang Starex van (ZDA 865) ng biktima at natangay ang kanyang pasaporte, check booklet, dalawang libro, Ipod, landline phone at P30,000 cash.
Gayunman, ilang oras pa lamang ang nakakalipas nang makatanggap ng tawag mula sa mga suspect ang isang Ana Luz Umali, secretary ng biktima at pinatutubos sa halagang P20,000 ang umano’y napulot nilang pasaporte at libro ng biktima malapit sa Malate Church.
Nakipagnegosasyon umano si Umali hanggang sa nagkasundo sa halagang P7,000 at magkikita sa isang restaurant sa Malate, subalit lingid sa kaalaman ng mga suspect ay inireport nito sa pulisya.
Gayunman, pagsapit sa nasabing restaurant ay nagbago ang isip ng suspect at tinawagang muli si Umali na magkita na lamang sa Plaza Rajah Soliman na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto habang nasa aktong tinatanggap nito ang P7,000 na marked money.
Nakumpiska rin sa pulis ang pick lock at mga pinasadyang mga susi na ginagamit na pambukas ng kotse.
Itinanggi naman ng pulis na siya ang nagbukas ng kotse ng biktima at inginuso ang isang Rigor Navanera subalit inaming siya ang nakipagnegosasyon sa biktima.
- Latest