Sekyu todas, 1 pa sugatan sa pamangkin ni Gen. Abaya
MANILA, Philippines - Isang security guard ang patay habang isa pa ang sugatan makaraang barilin ang mga ito ng umano’y pamangkin ng retiradong hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Chief of Staff Narciso Abaya sa kanilang bahay sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ni PO3 Loreto Tigno ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police ang suspect na si Jose Abaya, 47, residente ng No. 3 Kingfisher St., Greenmeadows, Bgy. Ugong, Quezon City.
Kinumpirma ni Tigno na ang tatay ni Jose ay ang namayapang Philippine Constabulary general na si Antonio Abaya na kapatid ng nagretirong AFP General na si Narciso Abaya.
Binaril ni Jose ang security guard na si Roger Biquit, 27, na agad na nasawi at ikinasugat naman ni Richard Reyes, 37, habang tinatangkang pabalikin ng mga biktima ang suspect sa drug rehabilitation center kung saan siya tumakas ilang buwan ang nakararaan.
Sabi ni Tigno, nangyari ang pamamaril ganap na alas-5 ng hapon sa loob ng bahay ni Jose.
Sina Biquit at Reyes ay mga security personnel ng Silvercreast drug rehabilitation center kung kaya sinundo nila si Jose para ibalik sa nasabing center.
Pero armado si Jose ng kalibre .357 pistol ng kanilang puntahan sa bahay.
Sa nasabing insidente, agad na nasawi si Biquit sanhi ng tama ng bala sa dibdib at kamay. Habang si Reyes ay nagalusan naman ng bala sa kaliwang paa at itinakbo sa Medical City para malapatan ng lunas.
Nabatid ni Tigno sa pamilya ng suspect na si Jose ay paulit-ulit na may problema sa droga at dati ng labas-masok sa rehabilitation centers sa loob ng 13 taon.
Nitong nakaraang Hulyo, nakumpirma ng pamilya ni Jose na ito ay tumakas mula sa rehabilitation center at bumalik ng bahay.
Ayon kay Tigno, gusto ng ina ni Jose na ibalik ito sa rehabilitation center kung kaya’t tumawag ito doon.
Sa pahayag naman ni Jose sa pulisya, may biglang dumamba sa kanyang dalawang lalaki.
Buong akala niya ay may mga nanghimasok sa kanilang bahay kaya mabilis niyang hinugot ang kanyang baril at sinimulang pagbabarilin ang mga taong dumamba sa kanya.
- Latest