BPSF nagbigay ng P1 bilyong ayuda sa 120K Caviteños
MANILA, Philippines — Nagbigay ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. noong Biyernes at Sabado ng P1 bilyong halaga ng programa at serbisyo ng gobyerno para sa 120,000 Caviteños.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang BPSF ay nagpapatuloy sa pagpapaabot ng direktang serbisyo at tulong sa mga Pilipino.
Nagsilbing local host ng BPSF ang pamilya Revilla sa pangunguna ni Sen. Ramon “Bong” Revilla at misis nitong si Cavite Rep. Lani Mercado Revilla, katuwang si Speaker Romualdez at ang may 65 ahensya ng pamahalaan na may dalang 235 mahahalagang programa at serbisyo.
“Ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ay patunay na walang maiiwan sa Bagong Pilipinas ng ating Pangulong BBM. Dito, mabilis, maayos, maginhawa at masaya ang serbisyong hatid natin sa bawat Pilipino,” ani Speaker Romualdez.
Ang mga benepisyaryo ay nakatanggap ng kabuuang P451 milyong cash assistance at 255,500 kilo ng bigas.
Ilan sa mga mahahalagang ahensya na nakibahagi sa BPSF ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
- Latest