Dating Pangulong Rodrigo Duterte iimbestigahan na ng DOJ
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na si dating Pang. Rodrigo Duterte ng isang task force na binuo ng Department of Justice (DOJ), kaugnay ng umano’y extrajudicial killings (EJKs), na isinagawa sa war on drugs noong panahon ng kanyang panunungkulan.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at kabilang sa aalamin ng task force ay ang posibilidad na nagkaroon ng paglabag sa International Humanitarian Law at sasakupin aniya nito ang lahat ng aspeto.
Nais din ni Remulla na ang mga kaso ay hiwalay sa isa’t isa at hindi mag-overlap sa International Criminal Court (ICC).
Anila, maraming paglabag at batas ang pinag-uusapan dito, kabilang na ang Revised Penal code, mga special laws at maging ang Republic Act 9851 o yaong Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.
Nabatid na nag-ugat ang imbestigasyon ng DOJ take force matapos ang ginawang pagdalo ng dating pangulo sa Quad Committee hearing ng House of Representatives noong Nobyembre 13, kung saan inamin niya na nagbigay siya ng pondo at insentibo sa mga pulis, na nagsasagawa ng anti-illegal drug operations.
Inamin din ni Duterte na kabilang ang pagtatanim ng ebidensiya sa ginamit nilang istratehiya upang makaaresto ng drug suspects, noong siya pa ang alkalde ng Davao City.
Kasama rin naman ang National Bureau of Investigation (NBI) sa magsasagawa ng imbestigasyon laban sa dating pangulo.
- Latest