‘Prayoridad dapat ang health!’ Zero allocation sa PhilHealth, kinastigo ni Bong Go
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng kanyang matinding reserbasyon si Senator Christopher “Bong” Go ukol sa bicameral conference committee report para sa 2025 National Budget.
Sa kanyang manipestasyon sa Senado noong Miyerkules sa pagratipika sa Bicam report, nilinaw ni Go na hindi siya lumagda sa nasabing ulat dahil nais niyang suriin muna ang mga detalye nito hinggil sa reconciled budget.
“Bakit po ako pipirma sa isang dokumento na hindi ko naman po alam ang detalye?” kuwestyon niya.
“Similar to the position of Sen. Bato dela Rosa, nais naming busisiin muna ang mga detalye nito bago pirmahan. Hindi ko pa nababasa ang kabuuan ng report na ito na ipinakita lamang sa amin kaninang umaga,” ang sabi ng senador.
Sinabi rin ni Go na nakakita siya ng ilang probisyon na mayroon siyang reserbasyon, partikular sa ulat na pagtanggal sa panukalang badyet para sa PhilHealth. Pinuna ng senador ang desisyong zero funding sa PhilHealth, sa pagsasabing dapat manatiling pangunahing prayoridad ang kalusugan.
Dismayado si Go sa desisyong pagkaitan ng budget allocation ang PhilHealth dahil kritikal aniya ang papel ng ahensiya sa pagbibigay ng healthcare benefits sa mga Filipino.
“As chairman of the committee on health, advocacy ko ang health. Dapat po ang pondo ng PhilHealth ay para sa health. Kaya nga po PhilHealth,” idiniin niya.
Binanggit niya ang mga naging aral noong pandemic kaya dapat mamuhunan sa healthcare.
Bagama’t aniya mayroong bilyong reserve funds ang PhilHealth, iginiit ni Go mahalagang patuloy na masustina ang subsidiya sa ahensiya para maipatupad ang mga reporma sa sistema nito.
“Huwag naman zero budget! Sa huli, mga mahihirap na pasyente na naman ang kawawa diyan,” sabi ni Go.
- Latest