NBI dedesisyunan kung kakasuhan si VP Sara
MANILA, Philippines — Asahan sa Enero na maglalabas na ng rekomendasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kung dapat na isulong ang kaso laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay sa death threat niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na lahat ng ebidensiya at mga testimonya ay susuriin at pag-aaralang mabuti para madetermina kung sapat para sa paghahain ng reklamo laban kay Duterte.
Aniya, kahit prayoridad ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito, nagkataon naman na Christmas season kaya posibleng matapos ang deliberasyon at final report ng panel of investigators sa pagpasok ng Enero at posibleng sa unang linggo pa lamang ay maipasa na ang rekomendasyon sa Department of Justice (DOJ).
Nitong Disyembre 11 ay hindi muli sinipot ni Duterte ang pagdinig sa NBI at sa halip ay ipinaabot sa kaniyang abogado ang liham na nagde-deny sa akusasyon. Hindi naman ikinonsidera ng NBI ang liham bilang counter-affidavit dahil hindi umano ito sworn statement.
Una nang tinuligsa ni Duterte ang NBI at sinabing hindi siya makakakuha ng patas na desisyon, na dagdag pa ang hinaing na dapat ding aksyunan ng ahensya ang banta sa kaniyang buhay.
Nakasaad din sa liham ni Duterte na ang NBI ay nasa ilalim ng pangangasiwa ni Justice Secretary Crispin Remulla habang si Executive Secretary Lucas Bersamin ang nagpalabas ng pahayag na agad na imbestigahan at aksyunan ang nasabing isyu, kaya pinili nito na huwag na magbigay ng paliwanag.
- Latest