Duterte sagot abogado ni Sara vs impeachment
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Vice President Sara Duterte na nag-alok ang kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte na sagutin ang bayad sa mga abogado na magtatanggol sa kanya sa kinakaharap niyang impeachment complaints sa Kongreso ngunit tinanggihan niya ito.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni VP Sara na, “Nagsabi si Pangulong Duterte na magpapadala siya ng pera para sa pambayad ng mga abogado kasi alam niya na napakaraming abogado ngayon.”
“Pero nagsabi na rin ako through my brother… na ‘wag na lang siya magpadala ng pera dahil nakapaghanda na naman kami para sa impeachment case,” aniya pa.
Kinumpirma rin ni VP Sara na noon pang nakaraang taon ay may mga kinakausap na siyang ilang defense lawyers, bilang paghahanda sa impeachment proceedings na niluluto laban sa kanya.
Sinabi ng bise presidente na nang mapansin nilang wala ng tigil ang pag-atake sa kanya ay pinaghandaan na niya ito.
Aniya pa, may imbentaryo na sila ng mga kasong posibleng isampa sa kanya at may mga abogado na aniyang nakatalaga para sa mga ito.
“We have an inventory of possible cases that will be filed. We have lawyers assigned for each case… so that we ensure that all the cases have lawyers focused on each case,” aniya pa.
- Latest