Leni ‘di tatakbong Pangulo sa 2028!
Naghain ng COC sa pagka-mayor sa Naga
NAGA CITY, Camarines Sur, Philippines — Kasabay ng kanyang paghahain ng kandidatura sa pagka-mayor sa Naga City, nilinaw kahapon ni dating Vice President Ma. Leonor “Leni” Robredo na hindi na siya tatakbong muli bilang Pangulo ng bansa sa 2028 national elections.
Sa isang panayam, sinabi ni Robredo na sakaling manalo siya bilang mayor ng Naga City, hindi niya gagamitin ito bilang “jumpoff point” sa pagtakbo naman sa 2028.
“Tingin ko magiging unfair para sa city if gagamitin ko lang pagiging mayor bilang jumpoff point. Hindi ako magiging effective mayor kung ang iniisip ko lang ay ‘yung 2028,” pahayag ni Robredo.
Dakong alas-10 ng umaga kahapon ng dumating si Robredo sa Comelec-Naga City Office na sinamahan ni election lawyer Atty. Romeo Macalintal, at buong line up nito para maghain ng kanyang certificate of candidacy sa pagka-alkalde ng nasabing lungsod sa ilalim ng Liberal Party na tinanggap ni Comelec officer Atty. Maico Julia, Jr.
Kasama rin ni Robredo na naghain ng COC ang ka-tandem na si Camarines Sur 3rd district Cong. Gabriel “Gabby” Bordado na patapos na sa huling termino at target naman ang vice mayoral position sa Naga City.
Sa kabila ng mga panawagang tumakbo si Robredo sa mas mataas na posisyon sa gobyerno sa 2025 mid-term election, pinili niya ang pagka-mayor ng Naga City na matagal na hinawakan ng kanyang yumaong asawa na si dating DILG secretary Jessie R. Robredo upang pagsilbihan naman ang kanyang mga kababayan.
- Latest