Davao court pinatigil police ops sa KOJC

MANILA, Philippines — Inatasan ng Davao City Regional Trial Court ang Philippine National Police (PNP) na itigil ang kanilang isinasagawanng paghahanap kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy sa KOJC compound sa Buhangin District, Davao City.
Ang cease and desist order ay inisyu ni Davao City RTC Branch 15 Presiding Judge Mario Duaves kahapon sa kabila ng patuloy na paghahanap ng mga pulis kay Quiboloy sa umano’y secret bunker nito sa lugar.
Ayon kay Duaves, ang pagpapalabas ng cease and desist order ay bunsod na rin ng mga banta at panganib sa seguridad ng mga miyembro ng KOJC.
Pinatatanggal din ng korte ang mga barikada o anumang harang papasok at palabas ng nasabing compound.
“Hence, this Court under the current situation, sees the urgency to direct the PNP XI to immediately cease and desist from any act or omission that threatens the life, liberty, or security as well as the properties of the petitioners,” nakasaad sa kautusan ni korte.
Subalit ayon naman kay Interior and local Government Secretary Benhur Abalos, hindi nila aalisin ang puwersa ng PNP sa KOJC compound bagamat may utos ang korte.
Ani Abalos, malinaw na ang mga barikada na inilagay ng mga awtoridad ang ipinaaalis at hindi sakop ng kautusan ang pagpapatigil sa operasyon ng PNP sa paghahanap kay Apollo Quiboloy at iba pang mga kapwa akusado sa kasong child abuse at human trafficking.
Samantala, nasa 100 pulis naman ang handang ipadala na dagdag puwersa sa paghahanap kay Quiboloy sa KOJC compound na pinaniniwalaang pinagtataguan nito.
Ayon kay Police Lt. Col. Arnel Solis, PRO-6 chief information officer, inaprubahan na ni Police Brig. Gen. Jack Wanky, Police Regional Office-6 chief, ang deployment ng 100 pulis mula Civil Disturbance Management (CDM) unit ng Iloilo City Police Office (ICPO) at Iloilo Police Provincial Office (IPPO).
Hinihintay na lamang ang C-130 aircraft ng Philippine Air Force (PAF) na magdadala sa mga pulis sa Davao. City.
- Latest