7 sundalong Pinoy sugatan, 1 naputulan ng daliri
Sa banggaan ng barko ng Pinas at China sa Ayungin
MANILA, Philippines — Pitong sundalong Pinoy ang sugatan, isa rito ang naputulan ng daliri sa agresibong aksyon ng China habang nagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre, sa Ayungin Shoal nitong Lunes, Hunyo 17.
Nagkaroon pa umano ng suntukan sa pagitan ng mga sundalo ng Pilipinas at mga Chinese hanggang sa maagaw ang walong high-powered firearms at binutas ang rigid hull inflatable boat (RHIB).
Hinostage rin umano ang apat na RHIB na kalaunan ay pinalaya din kasunod ng negosasyon.
Hindi na umano umabot sa Ayungin Shoal ang anim na RHIB na dumaan sa magkakaibang entry points.
Sa report naman ng China Daily, sinabi ni China Coast Guard (CCG) Spokesperson Gan Yu na sumampa ang Chinese forces sa AFP resupply boats at nagsagawa ng pag-iinspeksiyon sa Philippine vessels na itinaboy ng mga ito palayo sa Ren’ai Reef (Ayungin Shoal).
Base pa sa report, kinumpiska ng CCG ang mga baril ng Philippine Navy personnel kung saan naputulan pa ng daliri ang isang miyembro ng Naval Special Operations Group (NAVSOG) matapos banggain ang kanilang vessel ng CCG.
Binutasan rin ng Chinese forces ang resupply boats bunsod upang magkaaberya ito at mapigilan ang resupply mission sa tropa ng Pilipinas sa kanilang outpost sa BRP Sierra Madre.
Tumanggi naman ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines, Department of National Defense at maging ang Philippine Coast Guard na kumpirmahin ang insidente na kauna-unahan sa isyu ng agawan sa teritoryo.
Ayon naman sa ulat ng GMA online, ibinahagi sa kanila ng source na hindi tulad ng mga nakaraan, ang nasabing operasyon ay pinangunahan ng AFP, kung saan ang PCG ay nagbibigay ng maingat na suporta.
Nauna nang sinabi ng tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea Commodore na si Jay Tarriela na ang resupply mission ay isang operasyong militar lamang.
Kinalaunan ay tinawag ang PCG na magsagawa ng medical evacuation sa mga nasugatang tauhan ng militar.
- Latest