WHO sa China: Data kung paano nagsimula COVID-19 ibahagi
MANILA, Philippines — Nanawagan ang World Health Organization (WHO) sa bansang China na ibahagi ang datos at access upang matulungan silang maunawaan kung paano nagsimula ang COVID-19, na kumitil ng buhay ng milyun-milyong indibidwal sa buong mundo, may limang taon na ang nakararaan.
“We continue to call on China to share data and access so we can understand the origins of COVID-19. This is a moral and scientific imperative,” anang WHO, sa isang pahayag.
Dagdag pa ng WHO, kung walang transparency, pagbabahagi at kooperasyon sa mga bansa, mahihirapan ang mundo na maiwasan at mapaghandaan ang mga susunod pang epidemya at pandemic.
Inalala rin ng WHO na noong Disyembre 31, 2019, ang kanilang tanggapan sa China ay nakatanggap ng isang media statement mula sa health authorities sa Wuhan, na nagpapahayag ng pagkabahala sa mga kaso ng “viral pneumonia” sa lungsod.
Makalipas lamang ang ilang buwan, nadiskubre na ang virus na tinawag na COVID-19, na nagresulta nang pagkamatay ng milyun-milyong indibidwal at pagkalumpo ng ekonomiya.
Sa pagtutulungan naman ng mga siyentipiko, nakabuo ng bakuna at mga gamot laban sa COVID-19 hanggang sa muling makabangon ang buong mundo at makabalik sa dating pamumuhay.
Kaugnay nito, hiniling rin ng WHO sa publiko na parangalan ang mga buhay na nabago at nawala dahil sa epidemya at pasalamatan ang mga health workers na nagsakripisyo ng kanilang sarili upang alagaan ang mga taong dinapuan ng virus.
- Latest