21 Pinoy sa Red Sea nasagip, 1 pa nawawala
MANILA, Philippines — Nasa ligtas nang kalagayan ang 21 sa 22 Pinoy seafarers na sakay ng barko na inatake ng Houthi rebels sa Red Sea, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong sabado.
“As of around 10:30 p.m. to 11 p.m. last night, combined international forces rescued and extracted the 21 Filipino seafarers from the ship, which was immobilized but stable, and they were boarded on security forces ship and taken to safer port,” ani DMW Secretary Hans Cacdac sa Saturday News Forum sa Quezon City.
Hindi naman idinetalye ni Cacdac kung saan dinala ang mga naisalbang Pinoy seafarers sa dahilan ng seguridad.
Isa na lamang ang nawawala sa Pinoy crews ng MV Tutor na sinasabing naiwan sa loob ng inabandonang Liberia-flagged coal carrier.
Patuloy pa ani Cacdac, ang paghahanap sa missing seafarer na kabilang sa kabuuang 22 crew ng MV Tutor, na pawang mga Pinoy.
“There will be a salvaging operation of the ship… teams will go back to the ship to find the missing seafarer,” aniya.
Hindi pa naman umano lumulubog ang nasabing barko na pinasok ng tubig at naapektuhan ang engine room kaya maari pang i-tow.
Samantala, sinabi ng DMW nagsasagawa na ng pag-aaral sa mga kasalukuyang patakaran sa deployment ng mga Filipino seafarers sa mga barkong naglalayag sa Red Sea, kung saan naglulunsad ng mga pag-atake ang mga rebeldeng Houthi.
“We cannot stop the commerce, a ship from sailing… in light of this recent incident, we are reviewing this current policy. Just give us room to review the policy,” ani Cacdac.
Ito na ang ikatlong pag-atakeng dinanas ng mga Pinoy, kung saan nauna nang na-hijack ang MV Galaxy, MV True Confidence simula pa noong nakalipas na taon.
Sinabi ni Cacdac na una nang iginiit ng gobyerno ng Pilipinas na ilihis ang ruta ng mga barko na may sakay na Pinoy seafarers upang makaiwas sa rebel-infested areas habang isinasaalang-alang din ang isyu ng pulitika at seguridad.
- Latest