Imprastrukturang nasira ni 'Paeng' sumampa na sa P4.51 bilyong halaga
MANILA, Philippines — Isang linggo matapos lumabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong "Paeng," patuloy pa rin sa pagtaas ang halaga ng napinsala nito sa Pilipinas — ito habang lumobo na sa 4.6 milyon katao ang nasalanta.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, Lunes, tinatayang umabot na sa P4,512,696,137 ang cost of damage ng bagyo sa sektor ng imprastruktura:
- Ilocos Region: P63,200,000
- Cagayan Valley: P236,144,718.7
- Central Luzon: P54,700,000
- Calabarzon: P1,243,670,800
- Mimaropa: P997,052,772
- Bicol Region: P793,374,689.99
- Western Visayas: P661,675
- Central Visaya: P277,000,000
- Northern Mindanao: P110,050,000
- Cordillera Administrative Region: P736,841,482.19
Papalo naman na sa halos P3 milyong halaga ng pinsala ang naidulot sa sektor ng agrikultura, bagay na nakaapekto na sa 81,866 magsasaka at mangingisdang sumasaklaw sa mahigit 92,253 ektarya.
Ang lahat ng 'yan ay bukod pa sa 31,676 "partially damaged" houses at 3,267 kabahayang wasak na wasak matapos ang bagyo.
"A total of 1,273,058 families or 4,637,173 persons were affected," sabi pa ng NDRRMC kanina.
"Of which, 27,001 families or 108,791 persons were served inside 951 [evacuation centers] and 326,456 families or 920,586 persons were served outside ECs."
Maliban sa nabanggit, naitala rin ang sumusunod:
- patay: 156
- sugatan: 141
- nawawala: 37
Ilan sa mga pumanaw ay dahil sa mga gumuhong lupa, pagkalunod dahil sa mga baha atbp.
Una nang nagdeklara si Marcos Jr. ng state of calamity sa CALABARZON, Bikol, Western Visayas at Bangsamoro dahil sa idinulot ng bagyo, bagay na magtitiyak ng price control sa mga batayang pangangailangan doon.
Nakapamahagi naman na ng nasa P167.61 milyong halaga ng ayuda ang naibibigay na sa mga residente sa porma ng tulong pinansyal, family food packs at hygiene kits, sa ngayon.
Nananawagan naman ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na aprubahan na ng Department of Agriculture at Konggreso ang pagbibigay ng P15,000 production subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda sa ngayon, bagay na labis daw makakatulong kaysa sa mga pautang.
Isa ang nagdaang Severe Tropical Storm Paeng sa nagdulot ng pinakamatinding kapinsalaan sa Pilipinas ngayong 2022, na siyang nananatiling malaking hamon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
- Latest