^

Bansa

'Halos kalahati': Pamilyang Pinoy na naniniwalang mahirap sila sumirit sa 48% — SWS

James Relativo - Philstar.com
'Halos kalahati': Pamilyang Pinoy na naniniwalang mahirap sila sumirit sa 48% — SWS
A pedestrian walks past tricycles, locally known as padyak, for sale in a neighbourhood in Manila on July 20, 2022.
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Lalong tumaas sa 48% ang bilang ng pamilyang Pinoy na nagsasabing sila'y naghihirap kahit nagbalik na ang halos lahat ng trabaho at establisyamento ngayong pandemya, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).

'Yan ang napag-alaman ng SWS sa kanilang face-to-face interviews sa 1,500 katao sa buong Pilipinas na siyang ikinasa noong ika-26 hanggang ika-29 ng Hunyo. Ito ang huling survey tungkol sa kahirapan bago bumaba sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

"The estimated numbers of Self-Rated Poor families are 12.2 million in June 2022 [up from] 10.9 million in April 2022," wika ng SWS sa isang pahayag na inilabas, Martes.

"Compared to April 2022, the percentage of Poor families rose from 43%, while Borderline families fell from 34%, and Not Poor families declined from 23%."

Kung hahati-hatiin ang datos, ito ang lalabas:

  • mahirap (48%)
  • borderline poor (31%)
  • hindi mahirap (21%)

Ayon sa pag-aaral, ang 5-point increase sa self-rated poverty sa buong bansa ay dahil sa pagtalon nito sa Visayas at Metro Manila, bagay na sinegundahan ng bahagyang pagtaas sa Mindanao at Balance Luzon.

Batay naman sa uri ng pagkain na kinokonsumo, 34% sa mga na-survey na pamilya ang sinasabing "food-poor," habang 40% ang nagsasabing borderline food-poor sila at 26% naman ang hindi.

Mas mataas ang food-poor ngayon (8.7 milyon) kumpara sa 31% noong Abril (7.9 million). Dumami ito sa lahat ng lugar maliban sa Mindanao.

Record-high naman ang self-rated poverty threshold sa Visayas sa halagang P20,000. Ito ang minimum na monthly budget ng mga self-rated poor families para masabi nilang hindi na sila mahirap. Isa ito sa mga indicator na naghihigpit sila ng sinturon. Nananatili ito sa P15,000 sa sa pambansang antas.

"Of the estimated 12.2 million Self-Rated Poor families in June 2022, 2.2 million were Newly Poor, 1.6 million were Usually Poor, and 8.4 million were Always Poor," dagdag pa ng SWS.

"Of the estimated 13.3 million Self-Rated Non-Poor families in June 2022, 5.3 million were Newly Non-Poor, 3.0 million were Usually Non-Poor, and 5.0 million were Always Non-Poor."

Ang pag-aaral ay hindi kinomisyon ninuman. Ang sampling error margines ay sinasabing nasa ±2.5% para sa national percentages, ±5.7% para sa Metro Manila at Visayas, at Mindanao habang ±4.0% naman ito sa Balance Luzon.

'Marcos Jr. walang solusyon sa kahirapan'

Ayon sa grupong Anakpawis, wala pa rin nararamdaman ang mahihirap na sektor na kongkretong solusyon sa kahirapan ang bagong rehimen ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

"Patuloy pa rin ang land grabbing sa mga sakahang lumilikha ng pagkain at kabuhayan sa mga magsasaka, mababang sahod at endo sa mga manggagawa, at kawalang ayuda," wika ni Ariel Casilao, pambansang tagapangulo ng Anakpawis party-list sa isang pahayag.

"Malala nga rin na sa problema pa lang ng inflation ay itinanggi pa ito ni Marcos Jr. nitong Hulyo. Samakatuwid, hindi niya sosolusyonan."

Una nang umabot sa 6.1% ang inflation rate nitong Hunyo, bagay na kumakatawan sa pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin sa mahigit-kumulong talong taon. Matatandaang hindi 'yan pinaniwalaan ni Marcos Jr. ngunit iginiit ng Department of Finance na "misunderstood" lang ang pangulo sa kanyang pahayag.

Ngayong Hulyo lang nang umabot sa "all-time low" ang palitan ng dolyar sa piso. Kilalang nagpapataas ng foreign goods and services ang peso depreciation.

Ani Casilao, ilan sa mga puno't dulo ng krisis ay dala ng tuloy-tuloy na oil price hikes na siyang nagtataas sa cost of production ng pagkain, presyo ng bilihin at cost of living.

Sinasabing P8,000 na ang itinaas ng cost of production ng palay dahil sa oil price hikes, maliban pa sa P3,800 kada buwan sa pangingisda, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Pamalakaya.

Patuloy naman nilang ipinapanawagan ang pagsuspindi sa excist taxes at value added tax sa oil products para mapamura ito, maliban pa sa P15,00 production subsidy sa mga magsasaka at mangingista upang masalba sila sa pagkalugi. Makatutulong din daw ang P10,000 ayuda para sa mga manggagawa at mahihirap na pamilya.

PHILIPPINES

POVERTY

SOCIAL WEATHER STATIONS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with